Pinasinungalingan ng ilang eksperto ang pahayag ng China na kinuyog umano ng pito hanggang walong bangka ng mga Pilipino ang kanilang barko sa Recto Bank kaya napilitan umano silang umatras at iwan ang binangga nilang fishing vessel na lulan ang mga pilipinong mangingisda.
Sinabi ni Professor Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na kung pagbabasehan ang kuha ng satellite images, malinaw aniyang makikita sa Visible Infrared Imaging Radiometer Suite o VIIRS data na noong mangyari ang insidente, kaunti lamang ang mga bangkang pangisda na naglalayag sa lugar.
Kapansin-pansin din aniya sa satellite footages na hiwa-hiwalay ang mga bangka sa malawak na bahagi ng Recto Bank.
Pinakamalapit aniya na mga bangka sa isat-isa ay nasa layong 3 hanggang 5 milya o 7 hanggang 9 na kilometro.
Ito ang dahilan kung bakit kinuwestyon ngayon ni Batongbacal ang pahayag ng China na diumano’y kinuyog daw ng mga bangka ng mga pilipinong mangingisda ang barko ng China.