Isang passenger vessel sa Camotes, Island, Cebu ang lumubog habang nakadaong sa Consuelo Port.
Kinumpirma ni Capt. Alvin Dagalea, Station Commander ng Philippine Coast Guard-Cebu, na pinaghahampas kahapon ng naglalakihang alon dulot ng bagyong Agaton ang MV Mika Mari 1 ng Jomalia Shipping Lines.
Ayon kay Dagalea, walang pasahero ang nasabing sasakyang pandagat nang lumubog ito dakong ala una ng hapon at agad naka-alis ang 14 na crew nito.
Gayunman, namemeligrong magkaroon ng oil spill lalo’t kargado ng nasa 5,430 liters ng diesel at 68 liters ng lube oil ang barko.
Sa Ormoc City, Leyte, isa namang cargo vessel ang lumubog din bunsod ng naglalakihang alon dulot ng bagyo noong sabado.
Patungo sanang Cebu City ang MV Celsa 2 ng Navigs Shipping Corporation nang maipit sa pananalasa ng bagyong Agaton.
Hindi naman idinetalye ng mga otoridad kung ilan ang crew nang lumubog na barko.