Updated:
Umakyat na sa 61 ang bilang ng mga nasawi sa pagtaob ng M/B Kim Nirvana sa karagatan ng Ormoc City.
Ito’y kasunod ng paglutang ng tatlo pang bangkay nitong Sabado ng gabi na kinabibilangan ng 2 babae at isang bata at ibiniyahe na ito sa Camotes Island na siya sanang destinasyon ng tumaob na motor banca.
Samantala, nasa 45 kabaong naman ang inihatid ng barko ng Philippine Coast Guard na BRP Batangas sa pantalan ng Ormoc City kasama ang mga pamilya ng mga nasawi.
Kabilang din sa sakay ng barko ang mga nakaligtas sa trahedya na nagpalipas ng apat na araw sa mga pagamutan, punerarya at departure section ng Ormoc Port.
Kasabay nito, nag-alay din ng misa at panalangin ang mga tauhan ng BRP Batangas para sa mga biktima bago ito naglayag patungong Camotes Island.
Patung-patong na kaso
Nahaharap sa patung-patong na kaso ang may-ari at kapitan ng tumaob na barkong M/B Kim Nirvana sa karagatang sakop ng Ormoc City kamakailan.
Ito’y makaraang isampa na sa Ormoc City Prosecutor’s Office ang mga kasong multiple murder kina Jojie Bung Zarco, may-ari ng tumaob na motor banca at ang kapitan nitong si Warren Oliverio.
Batay sa paunang pagsisiyasat ng Philippine Coast Guard, overloading sa tao at kargamento ang naging sanhi ng pagtaob ng bangka dahil sa nakitang saku-sakong semento sa loob nito bago nangyari ang insidente.
Bukod pa ito sa nadiskubre ng mga otoridad na karamihan sa mga nasawi at nakaligtas sa trahedya ang hindi nakalagay ang pangalan sa manifesto ngunit nakasakay sa bangka.
Depensa naman nila Zarco at Oliverio, hindi overloaded ang bangka bagkus malalakas na alon ang siyang naging sanhi ng pagtaob ng nasabing sasakyang pandagat.
By Jaymark Dagala