Nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang barko mula sa South Korea na may karga umanong toxic waste materials na planong itambak sa Zambales.
Namataan umano ng surveillance team ng NBI environmental crime division na nagbababa ng mga kargamento ang barko sa mga naghihintay na barge sa Cabangan Wharf sa Zambales.
Tumambad sa NBI agents na pumasok sa barko ang halos 54,000 metriko tonelada ng phosphogypsum, isang uri ng radioactive at toxic waste material na maaaring magdulot ng sakit na cancer.
Nabisto rin ng NBI na walang importation clearance ang may ari ng kargamento mula sa Environmental Management Bureau ng DENR at hindi dumaan sa pagsusuri ang mga tila lupa na kargamento bago ito ibinaba ng barko.
Dahil dito, dinakip ng NBI ang 12 Chinese na sakay ng barko at ang dalawang nagpakilalang customs na kinilalang sina Benjamin Bautista at Jesse Romano Sungaj.