Nag-alok na ng P100,000 pabuya si Cavite 4th District Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng motorcycle-riding gunman na bumaril at pumatay sa isang traffic enforcer sa Dasmariñas City noong Sabado.
Inihayag ni Barzaga, chairman ng House Committee on Natural Resources, na ang pabuya ay makatutulong upang mapabilis ang pagresolba sa kaso.
Dismayado at kinondena rin ng Kongresista ang nasabing insidente.
Batay sa CCTV footage, nakikipag-usap si Edgard Quiroga sa isang motorista nang biglang sumulpot ang hindi pa nakikilalang rider at pinaputukan ang biktima.
Nakasuot ang suspek ng pula at itim na helmet, kulay gray na pang-itaas na may mahabang manggas at maong na pantalon at nakasakay sa kulay pula at itim na Yamaha MIO na walang plaka.