Kadalasang nagdudulot ng kasiyahan ang pagdalo sa mga pista. Ngunit ang pagdiriwang na ito sa San Juan, Metro Manila, tila iniiwasan na ng mga tao.
Ayon kasi sa mga netizen, hindi na simpleng selebrasyon ang Basaan Festival, kundi perwisyo na para sa mga napapadaan dito.
Tuwing ika-24 ng Hunyo, ginugunita ng mga Pilipino ang kapanganakan ni Saint John the Baptist.
Sa Bibliya, binibinyagan ni Saint John sa pamamagitan ng tubig ang mga taong nagsisisi at humihingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan. Kung matatandaan, siya rin mismo ang nagbinyag kay Hesus.
Kaya bilang pagdiriwang sa kaarawan ng kanilang patron saint, naglalagi sa mga lansangan ang mga taga-San Juan upang buhusan ng tubig ang mga dumadaan.
Paalala dapat ang tradisyong ito sa baptism, ngunit ayon sa mga netizen, nagiging harassment na ito.
Sa ilang videos na ipinost sa social media, makikita kung paano pinipilit ng mga residente na buhusan ng tubig ang mga motorista at commuters na papasok lamang sa kanilang trabaho o paaralan.
Hinaharangan at kinukuyog pa nila ang private vehicles at mga pampasaherong jeep. Kahit mga pulis, binabasa nila.
Naninira at nagnanakaw pa ng gamit ang ilang nakikipista, katulad ng ginawa nila sa isang napadaang truck.
Sa kasamaang-palad, nagdudulot din minsan ng aksidente ang tradisyong ito.
Ayon sa paniniwala, blessing ang mabasa sa pista ng San Juan, pero para sa karamihan, sakit na ito sa ulo.
Hindi naman masamang ipagdiwang ang kaarawan ni Saint John dahil nagbibigay na ito ng saya sa mga residente, nagpapalalim pa ito sa kanilang ugnayan bilang isang komunidad.
Ngunit kung hindi nila isasabuhay ang kanyang mga aral at sa halip, nagiging marahas sa mga nais lamang maghanapbuhay, wala nang kabuluhan ang tradisyong ito dahil hindi para sa santo ang ganitong uri ng selebrasyon.