Pinagpapaliwanag ng Cebu City government ang mga barangay officials ng Barangay Basak San Nicolas sa syudad.
Sa harap ito ng naganap na selebrasyon ng pista ng Sto. Niño sa Sitio Alumnus kung saan nagkaroon ng caravan, foot procession at ceremonial dancing.
Ayon kay Atty. Rey Gaelaon, hepe ng legal division ng Cebu City, napadalhan na nila ng show-cause order si Barangay Captain Norman Navarro at mga miyembro ng sangguniang barangay.
Samantala, ayon ay Brigadier General Albert Ignatius Ferro, hepe ng Central Visayas Philippine National Police (PNP), kakasuhan nila ang organizers ng pista dahil malinaw na nilabag nila ang enhanced community quarantine (ECQ).
Ang Barangay Basak San Nicolas ay isa di umano sa mga itinuturing na hotspot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Cebu City.
Kapitan ng Basak San Nicolas, itinangging mas basbas sila ng fiesta procession
Itinanggi ng Barangay Kapitan ng Basak San Nicolas, Cebu City na mayroon silang basbas sa nangyaring selebrasyon ng pista ni Sto. Niño sa Sitio Alumnus ng naturang barangay.
Sa ipinalabas na statement ni Barangay Captain Norman Navarro, hindi umano sinabi ng organizer ng pista na magkakaroon ng Sinulog Dance sa Sitio Alumnos Festival.
Dahil dito, sinabi ni Navarro na ipinatatawag na nila ang organizers ng pista sa sitio upang magpaliwanag dahil lumabag sila sa enhanced community quarantine (ECQ).
Napag-alamang umaabot na sa 90 ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa Basak San Nicolas na isa sa mga isinailalim sa hard lockdown.