Inihayag ni Economic Analyst at UP Prof. Astro Del Castillo na posibleng mahigitan o tumaas ng mahigit 5% ang inflation rate ng bansa ngayong Hunyo.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Del Castillo, sunod-sunod ang pagtaas ng pangunahing bilihin partikular na ang langis at pagkain.
Aminado si Del Castillo na sila ay hirap sa kanilang projections dahil sa pabago-bagong presyo ng mga produkto sa buong bansa at buong mundo.
Iginiit ni Del Castillo na ang Food Crisis, kakulangan sa suplay ng langis at kuryente ay matagal nang problema bago pa magkaroon girian sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon pa kay Castillo, naging dahilan din ng mataas na Inflation ang climate change kung saan, apektado ang food production dahilan para huminto ang ilang mga bansa sa pag-export ng kanilang produkto.
Dagdag pa ni Del Castillo na dapat i-update na ng pamahalaan ang Medium Term Development Plan sa 2023 hanggang 2028 na magiging basehan sa budgeting and expenditures ng susunod na administrasyon.