Inako na ng grupong Islamic State ang suicide bombing sa Lamitan, Basilan.
Batay sa official news agency ng Islamic State na Amaq, ang Moroccan national na si Abu Kathir Al-Maghribi ang nagsagawa ng “martyrdom operation.”
Labing-isa (11) ang nasawi kabilang na ang limang sundalo at apat na sibilyan habang pito ang sugatan sa pagsabog na hinihinalang kagagawan ng Abu Sayyaf, na kapanalig ng ISIS.
Una ng inihayag ng militar na minamaneho ng pinaniniwalaang suicide bomber ang van na kargado ng pampasabog at i-detonate malapit sa isang checkpoint.
Ito ang kauna-unahang suicide at car bombing na inilunsad ng teroristang grupo sa Pilipinas.
Mga nasawi kinilala na
Kinilala na ng militar ang sampu (10) sa labing-isang (11) nasawi sa hinihinalang suicide bombing sa Lamitan City, Basilan.
Ang mga ito ay sina Corporal Samad Jumah, CAFGU Active Auxiliaries na sina Adzlan Abdullah, Muid Manda, Hermilito Gapo Junior, Jerry Inso, Titing Omar; mga sibilyang sina Hadja Radia Manda na asawa ni Omar, kanilang anak na si Garry, 10-taon; Rosa Inso at Rosida Titing.
Nakilala naman ang mga nasugatang sina CAFGU Active Auxiliary Wilbert Garcia, Corp. Romeo Tabon Jr., 1st Lt. Rojean Rodriguez, Sgts. Mike Elumba at Renante Escañan; Privates First Class Romeo Frias at Jeffrey Martecio at sibilyang si Angelina Inso.
Samantala, hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang pagkaka-kilalanlan ng suicide bomber na isa umanong dayuhan.
Photo Credit: AFP