Isinailalim na sa state of calamity ang mga bayan ng Tipo-Tipo, Ungkaya Pukan at Al-Barka, Basilan dahil sa patuloy at pinaigting na opensiba ng militar laban sa Abu Sayyaf Group (ASG).
Ito’y makaraang sumampa na sa 42 ang bilang ng nasawi sa bakbakan kabilang ang dalawang sundalo.
Kabilang sa pinakabagong fatality ang isang sundalo habang limang iba pa ang nasugatan sa pagsabog ng improvised explosive device kahapon habang nagsasagawa ng clearing operations ang 8th Scout Ranger Company at 3rd Scout Ranger Battalion sa Tipo-Tipo.
Kinilala naman ni Maj. Filemon Tan, Spokesman ng AFP Western Mindanao Command ang ilan sa mga napatay na bandido sa Basilan na sina Julkifli Sariul at Kussien Pallam Seong.
Sa Sulu, patay din sa engkwentro ang mga ASG member na sina Mallah Sangkula at Sabtola Mahalli na may standing warrant of arrest dahil sa pagkakasangkot sa pagdukot kay ABS-CBN reporter Ces Drilon at Nelso Lim ng Mega Fishing.
Patuloy ang operasyon ng militar sa mga nabanggit na lugar sa tulong ng kanilang mga armored vehicles, artillery at close air support.
By Drew Nacino