Kuntento ang pamunuan ng Quiapo Church sa ipinakitang disiplina ng mga debotong dumalo sa pagdiriwang ng kapistahan ng itim na Nazareno, kahpon.
Ayon kay Father Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, kanilang ikinatuwa ang ginawang pagsisikap ng mga deboto na sundin ang ipinatupad na health protocol sa simbahan.
Aniya, masasabing kakaiba ang kapistahan ng itim na Nazareno ngayong taon dahil wala ang karaniwang nakikitang balyahan at pag-uunahan ng mga deboto na makalapit sa rebulto ng itim na Nazareno.
Ani Badong, minimal o napakaliit lamang ang naitalang bilang ng mga nahimatay o nahilo habang naghihintay na makapasok sa loob ng Quiapo Church habang wala naman aniyang nasaktan sa pagdiriwang.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Badong ang mga deboto ng itim na Nazareno na ipagtuloy lamang ang pagiging disiplinado tuwing dadalo sa mga susunod pang misa sa simbahan ng Quiapo.