Pansamantalang magpapahinga si basketball star Ray Parks Jr.
Ito’y makaraang makatanggap ng kaliwa’t kanang batikos sa pagtanggi sa alok na contract renewal ng TNT Tropang Giga.
Sa panayam ng basketball analyst na si Joaquin Henson, sinabi ni Parks na didistansiya muna siya sa isyu at sa laro dahil pinalalabas umano siyang masamang tao dulot ng nasabing pangyayari.
Ayon kay Parks, kasalukuyang nagpapagaling ang kanyang ina sa Los Angeles at natatakot siya na baka lalong sumama ang sitwasyon nito kapag nalaman ang pamba-bash na inaabot niya sa mga fans sa social media.
Matatandaang humirit umano ng “leave of absence” si Parks sa TNT at sinabing nasa LA siya.
Ngunit nabunyag ang sinasabing pagsisinungaling nito dahil nakabakasyon lamang ito sa La Union at wala sa Amerika.