Bagong coach na ang isasabak ng Kia Picanto sa pagpasok ng bagong taon matapos magbitiw sa puwesto si Chris Gavina dahil sa sunod-sunod na kontrobersiyang kinasangkutan ng team sa pagpapatuloy ng 43rd PBA season.
Inamin ni team manager Joe Lipa ang pag-alis ni Gavina bilang head coach ng Kia upang tutukan ang produksyon ng kanyang Impakt Power Drink.
Papalit naman kay Gavina si Ricky Dandan na lead deputy ng Picanto at pormal itong pangungunahan ang Picanto sa kanilang pagbabalik ensayo sa Enero a-dos.
Una nang inanunsiyo ni Gavina ang pagbibitiw sa kanyang koponan kahapon matapos ang kanilang ensayo.
Naganap ito ilang araw lamang matapos ang usap-usapan ng umano’y napipintong pagbili ng Phoenix ng ilang porsyentong share ng Columbia Autocar Corporation na nagmamay-ari sa Kia.
Bukod pa ito sa isyu ng pagpapamigay nila sa kanilang karapatang makuha ang top pick sa nagdaang pba draft na pinangungunahan ni Christian Standhardinger kapalit nina Jay-R Reyes, Ronald Tubid, Rashawn McCarthy at future first round pick.