Iginagapang na ni Senador Win Gatchalian sa senado na ganap nang ipagbawal ang hazing.
Ito ang naging inihayag ng senador sa panayam ng programang ‘Balita Na, Serbisyo Pa’ ng DWIZ.
Ayon kay Gatchalian, mayroon nang kasalukuyang batas kaugnay sa Anti – Hazing Law ngunit hindi ito mahigpit na ipinagbabawal.
Bagkus, aniya, mapaparusahan lamang ang sinumang sangkot sa naturang hazing kung ang biktima ay namatay o nagkaroon ng anumang physical injury.
Kaya’t iginiit ng senador na gumawa ng bagong batas na talagang magbabawal ng hazing anuman ang mangyari sa biktima.
Ang mungkahi ho namin ay gumawa na ng bagong batas na talagang ipagbawal na ang hazing kahit anuman ang mangyari doon sa biktima.
Basta ikaw ay nahuling gumagawa ng hazing dapat makulong ka at managot.
Simple lang, ipagbawal na ho talaga.
Gayunman, inihayag ni Gatchalian na naipasa na sa mababang kapulungan ang panukalang pag – ban sa hazing noong nakaraang kongreso ngunit hindi pumasa sa senado dahil sa kakulangan ng oras.
Kaya ngayon ni-refile ho natin ‘yun at maganda naman ang suporta.
Aside from my bill, meron pang dalawang bills na parehas ho ang intensyon.
Iko-consolidate na lang ho.
Umaasa naman ang senador na maipapasa ang kaniyang isinusulong na batas bilang tugon na din sa pagkundena sa pagkamatay ng isang law student sa UST o University of Santo Tomas dahil sa hazing.
_____