Nakatakda nang ipadala pabalik ng South Korea ang nalalabi pa nilang basura na nakatambak sa isang pasilidad sa Misamis Oriental.
Ayon kay Bureau of Customs (BOC) district collector for Northern Mindanao John Simon, target ng Mindanao International Container Terminal na maipadala ang mga nabanggit na basura sa Enero 19 at Pebrero 9.
Ilalagay aniya ang mahigit 5,000 metriko tonelada basura sa 60 container van at ibibiyahe sa pamamagitan ng isang international shipping line patungong Pyongtaek City sa South Korea.
Dagdag ni Simon, alinsunod ito sa mahigpit na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal ang pagpasok ng mga basura sa bansa gayundin ng pakikipagtulungan sa gobyerno ng South Korea.
Magugunitang, inangkat ng kumpanyang Verde Soko ang mga nabanggit na basura noong 2018 kung saan idineklara ang mga ito bilang plastic wastes na gagamiting raw materials para i-recycle.
Gayunman hinarang ng BOC ang kargamento matapos mabigong makakuha ng import permit mula DENR ang kumpanya.