Tinatayang aabot sa 16.6-milyong metriko tonelada ang malilikhang basura ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2020.
Ito ang inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian kung saan pumapangatlo aniya ang Pilipinas sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya na may pinakamaraming basura.
Ayon kay Gatchalian, nangangahulugan itong ang isang adult na Pilipino ay nakakalikha ng basura na katumbas ng dalawa o tatlong beses ng kanyang timbang sa isang taon.
Sinabi ni Gatchalian, maaaring makapuno ng mahigit 23,000 swimming pool o katumbas ng 99 na Philippine Arena ang malilikhang 16.6-milyong metric tons na basura ng bansa ngayong taon.
Kung magpapatuloy aniya ito hanggang 2030, maaari pang madagdagan ang basura ng bansa na magkakasiya sa mahigit 5,400 olympic size swimming pool o nasa 24 pang Philippine Arena.
Dagdag ni Gatchalian, nasa 30% lamang ng mga barangay sa buong Pilipinas ang nagsasagawa ng segregation o paghihiwa-hiwalay ng mga basura bago kolektahin.