Inaasahang darating na sa Canada ang mga basurang ibinalik ng Pilipinas ngayong weekend.
Ito ay matapos na itambak ang mga nasabing basura ng Canada sa Manila Port at Subic sa loob ng halos anim na taon.
Sa ginanap na ALC Media Group Forum, sinabi ni Canadian Ambassador John Holmes, tinatayang ala-una ng madaling araw ng Sabado, dadaong sa Vncouver Port ang M/V Bavaria na naghatid pabalik ng 69 na container ng basura.
Dagdag ni Holmes, sa pagbabalik ng nasabing mga basura sa Canada, kanilang inaasahang matatapos na rin ang usapin.
Wala rin aniyang dapat ikabahala ang lahat dahil hindi makakaapekto sa relasyon ng Pilipinas at Canada ang pangyayari.
Magugunitang dumating sa Pilipinas ang tone-toneladang basura noong 2013 hanggang 2014 at nitong nakaraang May 31 nang tuluyang maibalik na ito ng Canada alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
with report from Raoul Esperas (Patrol 45)