Isusunod na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagdidispatsa sa basura na itinapon ng South Korea.
Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, binigyan lamang nila ang South Korea ng 60 araw para aksyunan ang kanilang itinapon na basura sa bansa.
Kaugnay nito, pinaplano aniya ng pamahalaan na kasuhan ang mga responsable sa nasabing pagtatapon ng basura.
“Kakasuhan namin yung mga nagparating niyan, and of course, kung maaring ikulong muna yung foreigner para hindi makagalaw yan at malaman nila na seryoso tayo dito po sa ginawa nilang pambabastos sa ating bansa.” Pahayag ni Antiporda.
Samantala, dadaan naman muna sa pagsusuri ang basurang itinapon ng Australia.
Sinabi ni Antiporda na may findings ang Department of Energy (DOE) na posibleng alternative fuel ang ibinagsak ng Australia sa bansa.
“Ito yung process engineered fuel (EEF) kung tawagin, kung kaya’t nagmungkahi na lang tayo kay Sec. Roy Cimatu na magkaroon muna ng moratorium sa parating na ganito at pag-aralan ng mabuti ang paglatag ng maayos na guidelines para hindi tayo malusutan ng mga walang hiyang ito.” Ani Usec. Antiporda.