Umakyat na sa sampu (10) ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng bagyong Basyang sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Batay sa tala ng Office of Civil Defense o OCD ng Caraga Region lima ang nasawi sa Surigao del Sur, dalawa sa Surigao del Norte at isa sa Agusan del Norte.
Isang sanggol naman ang nasawi sa Albuera, Leyte matapos itong matabunan ng gumuhong lupa ang isang bahay habang isa katao rin ang naitalang binawian ng buhay sa Negros, Oriental.
Samantala, pumalo naman sa dalawampu’t isang libong (21,000) katao o halos limang libong (5,000) pamilya na ang inilikas dahil sa nasabing bagyo.
Ayon kay Romina Marasigan, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC nagmula ang mga inilikas sa Surigao del Sur, Surigao del Norte, Bohol at Cebu.
Nagdelakra naman ng state of calamity ang bayan ng Carrascal at Lanuza sa Surigao del Sur.
—-