Nabigyan ng kumpletong bakuna kontra polio ang batang lalaki na nagpositibo sa nasabing sakit sa Quezon City.
Ayon ito kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, base na rin sa pagsusuri nila sa medical records ng 3-taong gulang na batang lalaki.
Bukod pa ito aniya sa natanggap na dalawang bakuna ng nasabing bata nang ilunsad ng Quezon City government ang ‘Sabayang Patak Kontra Polio’.
Dahil dito, sinabi ni Belmonte na nagtataka sya kung bakit nagpositibo pa rin ang nasabing bata sa polio bagamat maituturing naman itong isolated case.
Binigyang diin pa ni Belmonte na kabilang ang Quezon City sa mga nakatugon sa 100% polio vaccination.
Kasabay nito, ipinabatid ni Belmonte na ikinakasa na nila ang ikatlo at ika-apat na round ng sabayang patak kontra polio sa lungsod at titiyakin nilang lahat ng mga bata sa lungsod ay makakatanggap ng bakuna.