Nanawagan si Bataan 1st District Representative Geraldine Roman na ipasa na ang SOGIE bill na may layuning mabigyan ng karapatan ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community laban sa diskriminasyon.
Kinondena ni Roman ang naging pagtrato sa blogger/journalist na si Sass Sasot sa isang graduation ceremony na ginanap sa simbahan ng isang religious group sa Dasmariñas, Cavite noong Hunyo A-3.
Matatandaang inimbitahan si Sasot bilang guest speaker sa aktibidad ng mga Senior High School students ng Southern Philippines Institute of Science and Technology kung saan, pinatayan siya ng ilaw at sound system sa kalagitnaan ng kaniyang talumpati.
Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng paaralan, sa pangunguna ng presidente at CEO na si Dr. Erlinda Manzanero maging ang pamunuan ng Church of God-Dasmariñas sa pamamagitan ni Senior Pastor Bishop Anthony V. Velasco.
Sa social media post ni Sasot, kaniyang sinabi na wala umano siyang balak na magsampa ng kaso at hinikayat ang pamunuan ng paaralang nag-imbita sa kaniya na i-donate na lamang sa Church of God-Dasmariñas ang honorarium o bayad sa kaniyang speakership.
Samantala, pinasalamatan naman ni Roman si Cavite Governor Jonvic Remulla sa pagkondena nito sa naganap na insidente.