Noong February 13, 2023, bumisita ang isang babaeng nagngangalang Yang sa isang village sa Guizhou, China.
Dito, nakilala niya ang isang 11-anyos na batang babae.
Nang makita ang bata, iisa lamang ang naisip ni Yang: siya ang “perfect bride” para sa kanyang anak na lalaki na 27-anyos na.
Nagpaalam si Yang sa mga magulang ng bata kung pwede niya itong iuwi sa kanilang tahanan sa Yunnan. Gaya ng inaasahan, hindi sila pumayag sa proposal ng babae.
Ngunit hindi nito napigilan ang babae at sa halip, naisip niyang dukutin na lamang ang bata.
Kinabukasan, February 14, 2023, bumalik si Yang sa Guizhou at sa pagkakataong ito, kasama na niya ang kanyang anak.
Naghintay ang mag-ina hanggang sa maiwang mag-isa sa bahay ang bata. Nang matiyak nilang wala na ang mga magulang nito, dito na nila pinasok at kinidnap ang bata.
Mayroong lumang tradisyon sa China kung saan inaampon ng pamilya ang isang batang babae upang ihanda ito na maging maybahay ng kanilang binatang anak.
Ito ang tinatawag na tongyangxi.
Ipinagbawal na sa China mula pa noong 1950 ang naturang tradisyon, ngunit may mga gumagawa pa rin nito, katulad na lamang ng pamilya ni Yang.
Anim na araw matapos dukutin ang bata, naaresto rin si Yang at nasagip ang bata.
Kusang loob namang sumuko sa mga awtoridad ang lalaking anak makalipas ang ilang araw.
Noong December 15, nahatulan ang mag-ina sa kasong child abduction. Makukulong si Yang ng dalawang taon, habang pitong buwan lamang ang kanyang anak.
Binatikos naman ng mga netizen ang naging hatol sa mag-ina dahil para sa kanila, masyadong magaan ang kanilang parusa.