April 5, 2024.
Isinulat ng 13-anyos na si Jamaica Star Seraspe na nahihirapan na siyang huminga. Nakararanas na rin siya ng hydrophobia o labis na pagkatakot sa tubig.
Kung maospital man, sinabi niyang sana ma-comatose na lang siya dahil ayaw niyang maramdaman pa ang sakit.
At kinabukasan, April 6, tuluyan nang nawala sa mundo si Jamaica.
Ang dahilan? Rabies mula sa kagat ng isang tuta, dalawang buwan bago ang nakalulungkot na pangyayari.
Ayon sa kanyang ina na si Roselyn, idinala sa ospital si Jamaica dahil nilalagnat at nababalisa na ito.
Ang sabi ng bata, “Mama, baka may rabies na ako.”
Dito nagtaka ang ina at tinanong ang anak kung nakagat ba ito ng aso.
Sa kanyang dokumentasyon, isinulat ni Jamaica na, “Alam kong may rabies talaga ako… Hindi ko masabi kay mama dahil ayoko siyang maging disappointed.”
Sa ospital, itinali ang bata sa kama dahil sa pagwawala. Bumubula na rin ang bibig nito.
Labindalawang oras matapos dalhin dito, binawian na siya ng buhay.
Ayon sa mga doktor, posibleng abutin ng ilang araw o buwan bago lumabas ang sintomas ng rabies sa tao. Kapag nakagat, dapat hugasan agad ang sugat nang sampung minuto at pumunta sa pagamutan upang mabigyan ng anti-rabies vaccine.
Ayon kay Jamaica, isinulat niya ang kanyang karanasan upang maalala ang kanyang kamatayan. Ang kanyang huling mensahe, “Sana naman maging aware tayo sa environment natin, lalo na ‘pag may mga animals na kayang ma-transmit ‘yung disease. That’s all. Goodbye, world.”