Patay ang quatro anyos na batang babae habang ino-obserbahan sa ospital ang mga magulang nito nang mahagip ng pampasaherong jeep ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Iloilo.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang aksidente sa Bypass Road sa Barangay Bungca, Iloilo.
Lumabas sa imbestigasyon na sakay ang pamilya ng motorsiklo at pagsapit sa intersection ng naturang lugar bigla silang nabangga ng driver ng jeep.
Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan sina Johnny Bernardo at Ledjane Bernardo habang agad na nasawi ang kanilang quatro anyos na anak matapos maipit ng jeep.
Nasa kustodiya na ng Barotac Nuevo PNP ang driver ng jeep na kinilalang si Rex Araojo na residente ng Barangay Vista Alegre.
Ayon kay Araojo, nawalan ng preno ang minamaneho nitong jeep kaya’t hindi naiwasang mabangga ang mga biktima.
Haharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide at Physical Injury ang suspek.—sa panulat ni Joana Luna