Karamihan sa atin, nagkaroon ng childhood crush. Ang iba, naranasan pang magbigay o makatanggap ng candies at flowers noong kabataan.
Pero next level ang isang 4-year-old na batang lalaki mula sa Sichuan, China dahil imbes na simpleng gamit o pagkain, ginto na nagkakahalaga ng halos P850,000 ang ibinigay niya sa kanyang crush!
Tuwang-tuwa at excited ang batang babae sa kanyang natanggap na “engagement gift”, kaya ipinakita niya ito sa kanyang mga magulang.
Ngunit gulat at pagtataka ang naramdaman nila nang tumambad sa kanilang harapan ang ginto. Agad nilang kinontak ang pamilya ng batang lalaki upang isauli ang mamahaling regalo.
Dito na napag-alamang bago mangyari ang insidente, sinabihan ng mga magulang ang batang lalaki na mapupunta sa kanyang magiging asawa ang itinagong gold bar.
Hindi naman nila inasahang palihim itong kukunin ng bata upang ibigay sa kaklase niyang nakikita niya bilang kanyang future bride.
Kung ang apat na taong gulang na bata nga, kayang magbigay ng ginto sa kanyang crush, paano pa ang mga nasa tamang edad na?
Hindi ibig sabihin nitong dapat kang magbigay ng literal na ginto sa iyong kasintahan. Sa tamang pagtrato, respeto, at tunay na pag-ibig, higit pa sa ginto ang matatanggap ng iyong minamahal.