Bakas sa mukha ng isang batang lalaki ang pagkalito nang marinig ang salitang Tagalog na ‘kanin.’
Kailangan niya kasi itong i-spell sa finals ng Scripps National Spelling Bee, ang taunang competition sa Amerika.
Mula sa San Bernardino, California ang 12-anyos na si Shrey Parikh. Siya ang pinakabatang finalist sa prestihiyosong national spelling bee.
Nang marinig niya ang salitang kanin, higit sa isang minuto niya ito pinag-isipan.
Sa kasamaang-palad, ini-spell niya ito bilang “kanan” at natanggal sa finals.
Dahil dito, nakamit niya ang ikatlong pwesto.
Gayunman, hindi rito natatapos ang kanyang paglalakbay. Ayon nga sa head judge ng national spelling bee na si Mary Brooks, mayroong self-drive o sariling determinasyon na magtagumpay si Shrey na makatutulong sa kanya sa mga paparating na taon sa kanyang buhay.