Sa murang edad na 12, alam na ng batang si El James Retiza ang kahalagahan ng edukasyon.
Katulad ng ibang bata, araw-araw na pumapasok sa paaralan si El James. Ngunit hindi gaya ng iba, sumasakay siya sa zipline para lamang makarating dito.
Nakatira si El James sa Brgy. Santa Cruz sa Murcia, Negros Occidental, habang nag-aaral siya sa Alberto D. Arceo Elementary School sa Bacolod City.
Upang maiwasan ang isang oras na paglalakad, napagdesisyunan ni El James na sumakay na lamang sa zipline.
Ang “zipline” na ito ay isa talagang agricultural tramline na ginagamit sa paghahatid ng mga ani mula sa mga sakahan sa matataas na lugar patungo sa kapatagan.
Kasama naman ni El James ang kanyang ama sa pagpasok nito sa paaralan. Sa katunayan, ang ama niya pa mismo ang nagkakabit ng harness sa cable wire.
Tila natutuwa man ang bata sa pagsakay sa zipline dahil mabilis siyang nakararating sa kanyang paaralan, aminado siyang mahirap ito. Kitang-kita na delikado rin ito dahil wala man lang siyang suot na helmet, gloves, at iba pang protective gears.
Gayunman, tinitiis pa rin ni El James ang kanyang sitwasyon. Aniya, “Makatapos lang ako ng eskwela… Magsisikap lang ako. Kahit mahirap, gagawin ko ang lahat.”
Tunay ngang kahanga-hanga ang dedikasyon at katapangan ng batang si El James.
Sa kabila nito, mahalaga pa ring tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral na katulad niya na nalalagay sa panganib dahil lamang sa nais nilang makapasok sa paaralan at magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan.