Sinong mag-aakala na ang simpleng paghawak sa isang sasakyan ay magreresulta sa katakut-takot na pang-aabuso? Katulad na lamang ng nangyari sa isang bata sa California na may autism.
Ang buong kwento, alamin.
Sa isang nag-viral na video, makikita ang isang batang lalaki na nakaupo sa isang bench sa waiting shed na kinilalang si Alfredo Morales, sampung taong gulang na mayroong autism.
Sa pagpapatuloy ng video, makikita ang paglapit ng isang lalaki kay Alfredo at sa nakatatandang kapatid na babae na kasama nito. Huminto ang lalaki sa harapan ng magkapatid bago sinampal si Alfredo at dinuro pa bago tuluyang umalis.
Ang rason kung bakit ito sinapit ng bata? Iyon ay dahil hinawakan lang nito ang emblem sa hood ng Mercedes-Benz Sedan ng nanampal na lalaki na kinilalang si Scott Sakajian habang tumatawid sila ng kaniyang ate.
Sinundan ni Scott ang magkapatid sa waiting shed at doon na nga nangyari ang pananakit sa bata. Dahil dito, sinampahan ng kasong child cruelty at battery si Scott.
Samantala, napag-alaman na nakatira ang pamilya ni Alfredo sa isang 2010 Ford F-150 na hindi na umaandar.
Dahil sa insidente, sunud-sunod ang suporta na natanggap ng pamilya Morales kabilang na ang alok ng rapper na si Swifty Blue na ipaayos ang kanilang sasakyan.
Noong Nobyembre 11 nang dinala ng Airport Marina Ford sa L.A. ang sirang sasakyan nila Alfredo, ngunit laking gulat na lang ng pamilya nang bigyan sila nito ng bagong 2023 Ford Explorer.
Bukod pa riyan, nagsagawa rin ng go fund me campaign para sa pamilya morales na umabot na ng milyong piso. Umaasa rin daw na muling mabuksan ng pamilya ang kanilang restaurant na nagsara nitong nakaraang taon.
Ikaw, anong masasabi mo sa naging kinalabasan ng insidente na ito?