Noong kabataan natin, mayroon tayong mga paboritong pinaglalaruan; mayroong mga mahilig sa action figures, video games, o teddy bears. Ngunit ibahin mo itong isang batang lalaki dahil imbes na laruan, buhay na buwaya ang dala-dala niya!
Sa viral video, makikitang nakapasan sa likod ng bata ang isang maliit na buwaya. Tila walang kaba at takot na nararamdaman ang bata habang naglalakad kasama ang kakila-kilabot na hayop.
Isa ang buwaya sa mga pinakamapanganib at pinaka-agresibong hayop sa buong mundo. Mabilis itong gumalaw, sa tubig man o sa lupa. Dahil sa kanilang malalaking katawan, matatalas na ngipin, at matitibay na panga, hindi nakapagtatakang marami ang takot sa predator na ito—maliban na lang sa batang lalaki na nasa video.
Maaaring noon pa man, exposed na ang bata sa mga buwaya. Nauunawaan na niya ang kanilang pag-uugali at pag-iisip.
Posible ring pinamumugaran ng reptilyang ito ang lugar, kaya sanay na ang mga nakatira rito sa mga buwaya.
Kinaaliwan naman ng netizens ang viral video. Mayroong nagbirong suot ng bata ang totoong Lacoste; habang ang iba naman, natutuwa dahil tila pagod at lasing ang buwaya.
Sa kabila nito, hindi dapat pinaglalaruan o sinasaktan ang mga buwaya dahil pinapanatili nitong malinis at maayos ang mga katubigan para sa ibang hayop. Dahil sa kanila, well-balanced at functioning ang ecosystem.
Kung hindi protektahan at tuluyang mawala ang mga buwaya, tiyak na malaki ang magiging pinsala nito sa kalikasan.