Hinangaan ng mga netizen ang isang kindergarten student mula sa Alicia, Isabela.
Malinaw at buong kumpiyansa kasing nagbigay ng speech ang anim na taong gulang na si Maverick Cyrus Manango Pelayo sa kanyang graduation ceremony sa School of Our Lady of Atocha, Inc.
Sa kanyang maikli, ngunit hindi malilimutang mensahe, ibinahagi ni Maverick ang kanyang growth bilang kindergarten student.
Inihayag din ng bata na nais niyang makita ang kanyang mga kaklase at mga kaibigan sa hinaharap, kasabay sa patuloy nilang pagsisikap na mag-aral upang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Agad namang umani ng mga papuri mula sa mga netizen ang talumpati ni Maverick.
Marami ang natuwa sa ipinakitang confidence ng bata. Anila, simple ngunit klaro ang kanyang naging mensahe.
Ang ilan naman, sinabing malayo ang mararating ni Maverick.
Pinuri rin ng mga netizen ang kanyang mga magulang na nagpalaki sa kanya bilang matalino at magalang na bata.