Nanatiling buhay ang pag-asa ng Northport na makausad sa susunod na round nang dispatsahin ang wala pang panalong Blackwater, 116-103, sa pba Governors’ Cup sa Araneta Coliseum.
Sa kanyang pagbabalik mula sa dalawang larong pagliban para sa Gilas Pilipinas kamakailan, tumirada si Robert Bolick ng team-high 30 points, 11 rebounds at 6 assists para pangunahan ang Northport sa ika-apat na sunod na panalo.
Nagbuhos si Jamel Artis ng 26 points at 9 rebounds habang nagdagdag si Arwind Santos ng double-double na 21 markers at 13 boards.
Nabatid na kung mananalo ang Northport sa nalalabi nitong mga laro laban sa Terrafirma sa Sabado at sa TNT sa Marso 11 ay makauusad ang koponan sa quarterfinals.
Samantala, nalasap ng Blackwater ang ika-siyam na sunod na kabiguan sa conference at hinila ang kanilang losing streak magmula pa noong nakaraang taon. -sa panulat ni Mara Valle