“Age is just a number” ang naging komento ng mga netizen sa ginanap na kasal nina Batangas Gov. Hermilando ‘Dodo’ Mandanas at Atty. Angelica Chua kamakailan.
Halos 50 years kasi ang agwat ng 32-year-old na si Atty. Chua kay Gov. Mandanas na 80 years old na.
Matagal nang magkakilala sina Gov. Mandanas at Atty. Chua dahil nagtrabaho ang ina ng abogada para sa gobernador noon bilang head ng provincial legal office.
Sa katunayan, dumalo pa si Gov. Mandanas sa 7th birthday ni Atty. Chua!
Hindi na muling nag-krus ang landas ng dalawa; ngunit makalipas ng ilang taon, kinailangan ng gobernador ang serbisyo ng isang law firm kung saan kasosyo si Atty. Chua.
Propesyonal ang kanilang naging relasyon, hanggang sa dumating ang Araw ng mga Puso kung saan tinanong ng gobernador si Atty. Chua kung pwede bang siya ang maging Valentine’s date nito.
Akala ng abogada, nagbibiro lamang si Gov. Mandanas. Nang malaman niyang seryoso pala ito, hiniling niya sa gobernador na humingi ng permiso sa kanyang mga magulang.
Gaya ng karamihan, age gap ang unang pumasok sa isip ni Atty. Chua; ngunit matapos ang ilang pagkikita, napagtanto niyang mas mahalaga ang mga katangian ni Gov. Mandanas kaysa halos limang dekadang agwat sa kanilang edad.
At makalipas ang tatlong buwang pagde-date, nagpakasal na ang dalawa sa Minor Basilica and Parish of the Immaculate Conception sa Batangas City.
Kinumpirma ng bagong kasal na mayroon silang nilagdaang pre-nuptial agreement. Pagbibigay-diin ni Gov. Mandanas, mas mayaman pa ang pamilya ng babae.
Ipinagdadasal din ng gobernador na makayanan nilang mag-asawa ang anumang pagsubok na darating sa kanila.
Aniya, “You cannot sustain it if you don’t pray.”