Isinailalim na sa community quarantine ang Batangas City ngayong araw ng Linggo, March 15, matapos magpositibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19) ang dalawang indibidwal sa lalawigan.
Ayon kay Batangas Governor Hermilando Mandanas, epektibo ang “community quarantine” sa buong probinsya hanggang sa april 14, 2020, sa bisa narin ng isang executive order.
Sa inilabas naman na Batangas’ “quarantine advisory,” suspendido hanggang sa susunod na buwan ang lahat ng klase at aktibidad sa mga public and private schools at maging sa mga unibersidad doon.
Pangungunahan naman ng Philippine National Police at mga local officials sa lalawigan ang pagpapatupad ng mga panuntunan upang matiyak na mananatili lamang sa kanilang mga bahay ang mga estudyante habang kanselado ang klase.
Inihayag naman ng Batangas local government unit na hindi sususpindehin ang land at sea travel, papasok at palabas ng kanilang lalawigan para sa lahat ng mga empleyado o naghahanap-buhay doon.
Lahat ng mga pasahero ng mga public utility vehicles (PUVs) ay kailangang magpakita muna ng I.D. ng kanilang pinagtatrabahuang kumpanya bago payagang makabili ng ticket para makasakay sa mga pampublikong sasakyan.