Mahigpit na binabantayan ng batangas PNP ang mga Evacuation area na nasa paligid ng bulkang Taal.
Ito ay matapos ilagay sa Alert level 3 ang status ng bulkan dahilan para ilikas ang libo-libong mga residente.
Ayon kay Pol. Col. Glicerio Cansilao, Director ng Batangas Provincial Police Office, naglagay na sila ng checkpoint sa mga sa mga Barangay ng Munisipalidad ng Agoncillo at Laurel upang imonitor ang mga residenteng nagsilikas bunsod ng pag-alburoto ng bulkan.
Nagtalaga na rin ang kanilang ahensya ng mahigit 140 na mga pulis katuwang ang mga tauhan ng Arm Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) upang bantayan ang mga barangay na sakop ng dalawang nabanggit na munisipalidad.
Bukod pa dito, nagpatupad narin sila ng window hour kung kailan papayagan ang mga residente na makabalik at inspeksiyonin ang kanilang mga tirahan at iba pang kagamitan at para pakainin ang kanilang mga alagang hayop na naiwan.
Tiniyak naman ng Batangas PNP ang kaligtasan at sapat na suplay na pagkain at iba pang pangangailangan ng mga residente. —sa panulat ni Angelica Doctolero