Suportado ni Senate Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang pahayag ng Malacañang na kailangan ng isang batas para mawakasan ang kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa.
Ayon kay Villanueva, inihahanda na nila ang committee report kaugnay sa isyu para maisalang na ito sa plenaryo.
Pag-aaralan din aniya ng kanyang komite ang ilalabas na executive order ng Malacañang kung saan posibleng nakapaloob ang malinaw na panuntunan hinggil sa “contractualization system”.
Tiniyak naman ni Villanueva na magiging epektibo at ipatutupad nila ang anumang panukalang batas na magiging bunga ng mga isasagawa nilang pagdinig.
Kaugnay nito, personal namang lilinawin ng grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang napaulat na pahayag ng Malacañang na imposible nang maipatupad ang total ban sa endo o end of contract.
Sinabi sa DWIZ ni ALU-TUCP Spokesman Allan Tanjusay na nais nilang malaman mismo sa Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ba talaga ang solusyon sa naturang problema bagama’t nagbago na rin naman aniya ang kanilang pananaw at hindi na total ban sa endo ang kanilang isinusulong.
Sa katunayan, ipinabatid ni Tanjusay na nakagawa na sila ng ikalawang draft sa usapin ng endo kung saan naglagay na sila ng exemptions.
—-