Nilagdaan ni Pope Francis ang isang batas na naglalayong maiwasan na ang mga nangyayaring seksuwal na pang-aabuso sa mga bata sa Vatican City at sa kanilang mga diplomatic missions sa buong mundo.
Ito ay bilang tugon na rin ng simbahang katolika sa dumaraming kaso ng umano’y pang-aabuso ng mga pari sa mga kabataan sa iba’t ibang bansa.
Batay sa nilagdaang batas ni Pope, inoobliga ang lahat ng mga pinuno at nagta-trabaho sa simbahan sa buong mundo na i-ulat ang anumang kaso ng pang-aabusong nangyayari sa kanilang nasasakupan.
Itinatatakda rin sa batas ang parusang pag-sibak sa serbisyo, pagmumulta at pagkakakulong sa mga mabibigong i-report ang mga nangyayaring kaso ng pang-aabuso.
Magugunitang nabahiran ang kredibilidad ng simbahang katolika makaraang sunod-sunod na lumutang ang mga kaso ng pang-aabuso sa Ireland, Chile, Australia, France, United States, Poland, Germany at iba pang bansa.