Isinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa batas na inakda ni Senador Kiko Pangilinan ang lalong pagdami ng krimen na kabataan ang salarin.
Sa kanyang talumpati sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na minadali ni Pangilinan na ipasa ang Juvenile Offenders Act kung saan hindi maaaring kasuhan ang mga edad 15 pababa kahit pa nakagawa ng malalang krimen tulad ng pananaksak, pagnanakaw, o panggagahasa.
Bagkus, pinapakawalan o ibinabalik sa kanilang mga magulang ang mga batang salarin ngunit gumagala lang sila at muling gumagawa ng krimen.
Ayon sa Pangulo, dahil sa batas ni Pangilinan, nagkaroon sa bansa ng mga kabataang utak-kriminal.
Mga drug addicts binantaan ng Pangulong Duterte
Binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga drug addicts na huwag kakalat-kalat sa kalsada kung ayaw ng mga ito na maging pataba ng isda sa Manila Bay.
Sa kanyang talumpati, sa aktibidad ng Boy Scout of the Philippines o BSP sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na natukoy na ang mga drug addict sa bansa kaya’t mas makabubuting magkulong na lamang sila sa kanilang mga bahay at huwag kakalat-kalat sa mga lansangan.
Sinabi ng Pangulo na natatakot ang publiko kapag nakikita ang drug addicts na nag-uumpukan sa mga kanto tulad sa Ermita, Manila kaya’t mag-ingat, aniya, ang mga ito.
Kapag, aniya, nadampot ang mga ito, itatapon niya sa manila bay at hahayaang pagpiyestahan ng mga isda.
By Avee Devierte |With Report from Aileen Taliping