Isinusulong sa mababang kapulungan ng kongreso ang panukalang batas na layong i-regulate ang surrogacy at Assisted Reproductive Technology (ART), upang magkaroon ng legal framework sa bansa.
Batay sa house bill 11259 na inihain ni 4Ps Partylist Rep. JC Abalos, isa ang Pilipinas sa mga natitirang bansa na wala pa ring batas ukol sa makabagong pamamaraan ng pagbubuntis.
Ayon kay Cong. Abalos, karamihan sa mga Pinay workers ay nagagamit sa human trafficking at mapagsamantalang surrogacy arrangements kung saan, ipinapadala sila sa ibang bansa para isagawa ang proseso ng pagbubuntis.
Aniya, kung walang batas para dito, magdudulot lamang ito ng panganib at paglabag sa mga karapatang pantao partikular sa karapatan ng mga sanggol.
Binigyang diin ng Mambabatas, na nalalagay sa hindi ligtas na medical procedures ang mga stakeholder.
Sakaling maisabatas, bubuo ng isang komisyon sa kamara upang bantayan ang ART and surrogacy activities sa bansa.
Bukod pa dito, aatasan din silang magpatupad ng mga patakaran gaya ng pag-isyu at pagbawi ng lisensya sa mga art clinic at surrogacy bank kung mapapatunayang sangkot ang mga ito sa unethical practices.