Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11480 o batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa Presidente na magtakda ng ibang araw sa pagbubukas ng klase sa panahong idineklara ang state of calamity o emergency.
Inamyendahan ng nabanggit na bagong batas ang Republic Act 7797, partikular na ang bahagi kung saan nakasaad ang petsa na kinakailangang magbukas ang klase sa pagitan ng unang Lunes ng Hunyo at hindi lalagpas sa buwan ng Agosto.
Sa RA 11480, maaari nang magtakda ng ibang petsa sa pagsisimula ng klase ang Pangulo sa panahon ng state of calamity o emergency sa buong bansa o sa partikular na lugar, alinsunod na rin sa rekomendasyon ng kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sakop ng batas ang lahat ng basic education kabilang ang foreign o international schools sa bansa.
Pinapayagan din sa bagong batas ang pagsasagawa ng mga klase tuwing Sabado sa elementarya at highschool.
Samantala, inaatasan naman ang DepEd na magtakda sa pagtatapos ng school year kung saan kinakailangang isaalang-alang ang Christmas at summer vacation.
Epektibo ang batas, matapos ang opisyal na paglalathala dito habang binibigyan naman ng 30 araw ang DepEd sa pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR).