Hinimok ng iba’t ibang grupo at indibidwal ang Korte Suprema na ipag-utos sa dalawang kapulungan ng kongreso na bumuo ng isang batas na magbabawal sa pag-iral ng political dynasties sa bansa.
Sa petition for certiorari and mandamus na inihain sa kataas-taasang hukuman nina 1sambayan Rep. Antonio Carpio, Sanlakas Rep. Marie Margerite Lopez, Advocates for National Interest members, at University of the Philippines law class of 1975, humirit ang mga ito na maipasa ang isang batas na tutukoy sa depenisyon ng political dynasties.
Kabilang din sa mga petitioner na lumagda sa nasabing petisyon sina dating Ombudsman Conchita Carpio Morales; dating Commission on Elections Commissioner Christian Monsod; at dating National Economic and Development Authority Sec. Solita Monsod.
Gayundin ang ilang dating opisyal ng militar; mga obispo at pari; at mga propesor ng University of the Philippines.
Binigyang-diin ng mga petitioner na malinaw na ipinag-uutos ng 1987 Constitution ang pagbabawal sa political dynasties.
Sinisi rin ng mga nasabing grupo at indibidwal ang pagkakaroon ng political dynasty sa pagbagsak ng socio-economic development ng bansa.
Ipinunto ng mga petitioner na batay sa datos mula noong 2006 hanggang 2018, halos 80% ng kongreso at mahigit 50% ng mga local government official ay mula sa political dynasty.—sa panulat ni John Riz Calata