Bagamat nakatuon ang atensiyon ng ilang Congressman sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), lingid sa kaalaman ng lahat na nagsusumikap din ang ilang mga kinatawan sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagpanday ng mga mahalagang batas para sa kapakanan ng mamamayan.
Isa na rito ay ang kakalusot lamang sa ikatlo at huling pagbasa na Mandatory Registration ng Subscriber Identity Module o SIM Card.
Layunin ng may akda nitong batas na obligahin ang lahat ng mga bumibili at nagbebenta ng SIM Card na i-register ito upang makatulong sa pagtugis sa sinumang gagamit ng SIM sa paraang nakasasama sa mamamayan.
Alalahanin natin na nag-ugat ang pagtutulak nitong batas dahil sa mga naglipanang mga reklamo mula sa publiko dahil sa SIM na ginagamit ng mga kriminal.
Ilan dito ay ang panghaharass, pananakot, pagbabanta at higit sa lahat ang gawin itong mitsa sa terroristic activity.
Para sa kaalaman ng lahat, dahil sa kung sino-sino na lamang ang nakabibili ng SIM Card na walang kaukulang dokumento o pagkakakilanlan ng bibili ang ugat ng mga nagaganap na krimen.
Halimbawa dito ang paggamit ng cellphone sa pagpapasabog ng bomba.
Ang cellphone na may lamang unregistered SIM card ay ginagamit na triggering device.
Ngunit kung ito ay maipaparehistro at alam kung sino ang bumili, tiyak na mapapadali ang pag-aresto ng mga terorista o kriminal.
Dito ako sumasaludo sa mga Congressman na gumagawa ng batas na may pakinabang sa mamamayan at hindi yaong batas o panukala na walang silbi sa nakararami.
Dahil diyan, tayo ay umaasa na sa ganitong batas, bagamat isang hakbang lamang ito upang matigil o di kaya ay mabawasan ang mga gawaing ilegal o kasamaan, ay agad na itong maipasa at susugan ito ng Senado, na sa aking pakiwari ay may katulad na batas silang niluluto.
Pakiusap natin din sa mga telecommunication companies na suportahan ito at huwag mabahala na mawalan kayo ng kita, dahil hangad nating lahat na maging lehitimo at ligtas ang nakararami dito, lalo’t napag-alaman na tayo na lamang bansa ang walang batas na nag-aatas sa pag-register ng mga SIM Card.