Welcome sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang panukalang batas na nagsusulong na palakasin pa ang giyera kontra droga ng pamahalaan.
Ito’y makaraang aprubahan sa kamara ang house bill 7814 o ang Strengthening Drug Prevention and Control Act na naglalayong amiyendahan ang umiiral na republic act 9165 o ang comprensive Dangerous Drug Act of 2002.
Ayon kay PNP Spokesman P/Bgen. Ildebrandi Usana, ilan sa mga pagbabagong isinusulong ay ang pagpaparusa sa mga landlord o lessors na nagpapa-renta ng kanilang bahay para gawing drug den o drug laboratories.
Tatanggalin din aniya sa probisyon ng nasabing batas ang presumption of innocence sa mga tumatayong protektor o financier ng mga drug lord.
Dahil dito, umaasa ang PNP na sa pamamagitan ng nasabing panukala, isasaalang-alang ng mga mambabatas ang mga itinatakda ng saligang batas, karapatang pantao gayudin ang interes ng taumbayan.