Isinusulong ni Senate Committee on Public Information and Mass Media Chair Grace Poe ang isang panukalang batas na magbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na magpakalat ng pekeng balita.
Inihain kahapon, Pebrero 9, ni Poe ang Senate Bill 1680 na nag-aamyenda sa itinatadhana ng Sections 4b at 7 ng Republic Act 6713 na mas kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards from Public Officials and Employees.
Sa ilalim nito, pinagbabawalan ang lahat ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan partikular na mga nasa public information departments ng bawat ahensya na magpakalat ng mga hindi tamang balita na posibleng magdulot ng pagka-alarma ng publiko.
Binigyang diin ni Poe sa kanyang panukalang batas na dapat maging totoo, kapani-paniwala at tama ang mga ilalabas na impormasyon ng sino mang opisyal at kawani ng pamahalaan.
Magugunitang pinangunahan ni Poe ang pagdinig ng Senado kaugnay ng ‘fake news’ sa harap ng sunod-sunod na batikos laban sa mga blogger mula sa administrasyon at oposisyon na kapwa umano nagpapakalat ng maling impormasyon sa publiko.