Idinepensa ng Malacañang ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa batas na naghahati sa Palawan sa tatlong probinsya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nilikha ang Republic Act 11259 para sa kapakanan ng mga taga-Palawan.
Aniya, layon ng bawat batas na nililikha ng pamahalaan ay ang makapaghatid ng serbisyo, makatugon sa pangangailangan at problema ng mga residente ng isang lugar.
Dagdag ni Panelo, mismong si Palawan Governor Jose Alvarez na ang nagsabing makabubuti para sa Palawan ang nasabing bagong batas lalo’t magkakaroon na ng pantay na representasyon at kita ang mga distrito.
Kasabay nito, binigyang diin ni Panelo na walang kaugnayan sa usapin sa South China ang nasabing bagong lagdang batas.
Magugunitang, ibinabala ni Senadora Risa Hontiveros ang posibilidad na may lumakas pa ang posisyon ng China sa South China Sea oras na mahati ang Palawan dahil mas madali na umano nitong mapapasok ang probinsya.
—-