Pinaiimbentaryo ni Senate President Vicente Tito Sotto III ang mga environmental laws kasabay ang pagpaparepaso sa implementasyon ng ehekutibo ng mga ito.
Ito ayon kay Sotto ay dahil maaaring hindi na angkop sa kasalukuyan ang ilang patakaran sa pagpapatupad ng mga batas pang kapaligiran.
Sa harap nang naranasang malawakang pagbaha sa maraming lalawigan sa Luzon kung saan nabulaga ang national at local government units binigyang diin ni Sotto ang kahalagahang ma repaso ang estado ng implementasyon ng environmental laws.
Ipinasa aniya ang mga nasabing batas para matiyak na ang bansa lalo na ang mga local government unit ay handa kapag may tatamang malakas na bagyo tulad ng mga bagyong Rolly at Ulysses.
Sa ilalim ng mga batas pang kapaligiran sinabi ni Sotto na mayroong nakalatag na mga guidelines at protocols kung ano ang dapat gawin ng LGU’s at mga ahensya ng gobyerno bago, sa panahon at pagkatapos ng paghagupit ng bagyo.
Kinuwestyon ni Sotto kung hindi ba sumunod sa mga alituntunin na nakasaad sa batas kayat hindi naging handa ang gobyerno at LGU’s sa hagupit ng magkasunod na bagyo at kung ipinatutupad ba ng mga ahensya ng gobyerno ang mga batas hinggil sa kalikasan at natural disasters.
Dahil dito humihingi si Sotto sa DENR ng estado ng implementasyon ng environmental laws para maprotektahan ang publiko at kanilang lugar na tinitirhan mula sa galit ng inang kalikasan. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)