Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na naglalayong dagdagan ang maternity leave ng mga ina sa bansa.
Sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law, pinapayagan ang mga nagtatrabahong ina na magkaroon ng 105-araw ng paid maternity leave o pagliban sa trabaho bilang paghahanda sa panganganak at pagkatapos manganak.
Sakop nito ang mga nanay na nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor.
May opsyon din sila na i-extend pa ang kanilang leave ng 30-araw gayunman leave without pay o wala na itong bayad.
May makukuha rin na dagdag pang 15 days na leave ang mga single mother.
Hontiveros on Expanded Maternity Leave
Ikinalugod ni Senadora Risa Hontiveros, chair ng Senate Committee on Women, ang ganap nang pagsasabatas sa Expanded Maternity Leave Act.
Layon ng naturang batas na bigyan ng mas mahabang maternity leave ang mga inang nagta-trabaho.
Ayon sa senadora na siya ring may-akda ng naturang batas, isang malaking tagumpay sa hanay ng mga Pilipinong kababaihan at kanilang mga pamilya ang tuluyang pagsasabatas ng Expanded Maternity Leave Law.
Mas may panahon na rin anya ang mga ina na magpahinga matapos ang pagbubuntis at panganganak at mas mapromote ang breastfeeding para sa mga sanggol.
DOLE on Expanded Maternity Leave
Tiniyak ng DOLE o Department of Labor and Employment ang agarang pagsasagawa ng IRR o Implementing Rules and Regulations para sa Expanded Maternity Leave Act.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, inaasahang matatapos ang naturang IRR sa loob lamang ng 45 araw sa halip na patagalin pa ito ng 90 araw kagaya ng karaniwang ibinibigay na panahon sa ahensya.
Katuwang naman ng DOLE ang Civil Service Commission at Social Security System sa pagbalangkas ng IRR para sa nabanggit na batas.
Dagdag pa ni Bello, lahat ng manganganak ay sakop na ng naturang batas kahit wala pa ang IRR.
Contributor: Kimberlie Montano