Napapanahon nang pagtibayin ang Republic Act 8491 o ang Flag Heraldic Code of the Philippines.
Ito ang inihayag ng NHCP o National Historical Commission of the Philippines, kasunod ng paglusot sa Kamara ng House Bill Number 5224 o ang panukalang magpapalakas sa batas hinggil sa tamang pagkanta ng Lupang Hinirang.
Ayon kay NHCP Chief Research Heraldry & Publications Division Alvin Alcid, dalawampung (20) taon nang umiiral ang nasabing batas subalit maraming Pilipino ang hindi pa rin nakakaalam ukol dito.
Aniya, nakatuon ang nasabing batas sa pagtuturo ng tamang pag-awit ng Lupang Hinirang at pagalang sa watawat na sisimulan sa mga kabataan o sa mababang lebel ng paaralan.
“Nakikipagtulungan po ang NHCP sa lahat ng government educational institutions para ituro ito ng tama sa ating mga mag-aaral, kasi po yun ang mahalagang tuntunin nitong flag code sa bata pa lang ituturo na ng tama yan ang nakasaad sa batas, sakaling mapirmahan ang batas na ito magtutulungan ang mga ahensya para maituro ng tama sa mga mag-aaral sa mababang lebel pa lamang.” Ani Alcid
Binigyan diin pa ni Alcid na bagamat nakasaad sa panukalang batas ang mas mataas na multa sa mga lalabag sa Flag Heraldic Code of the Philippines ay hindi ito ang pangunahing layunin ng nasabing batas.
“Hindi naman naka-focus ang batas na ito sa penalty eh, mas naka-focus ang batas sa pagtuturo ng tamang pag-awit at tamang paggalang sa watawat, sa kasalukuyang batas yung unang violation at public censure lang po walang financial na babayaran, sa kasalukuyan 5 to 20,000 lang eh pero ngayon ginawa siyang 50 to 100, pero hindi talaga ito sa financial o pagbabayad ng pera kundi doon sa tamang pagtuturo.” Pahayag ni Alcid
By Krista de Dios / Ratsada Balita (Interview)
Batas sa tamang pag-awit ng Lupang Hinirang suportado ng NHCP was last modified: June 28th, 2017 by DWIZ 882