Isinusulong ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang pagsama sa primary at secondary school ang rules and regulation sa trapiko.
Ito, ayon kay Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP, ay kasunod na rin ng bagong direktiba ng Land Transportation Office (LTO) na sumailalim sa 15-oras na theoretical driving lesson at karagdagang walong oras para sa practical driving ang kukuha ng driver’s license.
Sinabi ni Inton na panibagong gastos na naman ito sa mga kukuha ng driver’s license.
Maliban dito, kinuwestyon din ni Inton kung kakayanin nito ang dagsa ng mga nais mag-apply ng lisensya kabilang ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Naniniwala naman si Atty. Esteban Baltazar, hepe ng LTO adjudication board na makatitiyak ang publiko na bago mabigyan ng lisensya ang isang tao ay malalim na ang kaalaman nito sa trapiko.