Kailangan ng repasuhin ang Party-List System Act dahil lumilitaw na hindi na nasusunod ang tunay na intensyon ng naturang batas.
Ito ang tugon ni Senate President Chiz Escudero sa resulta ng pag-aaral ng poll watchdog na kontra daya kung saan sinasabi na mahigit kalahati ng party-list groups ay hindi kumakatawan sa marginalized at underrepresented sector sa lipunan.
Ayon kay SP Escudero, marami ng mga naging desisyon ang korte na nagpapatunay na hindi nasusunod ang tunay na diwa ng batas ukol sa party-list.
Anuman anyang pagrepaso sa party-list law ay dapat magsimula sa pagtukoy kung ano ang mga sektor sa lipunan ngayon ang nangangailangan ng representasyon o kinatawan sa kongreso.
Dagdag pa ni Escudero meron na silang ginawa na kahalintulad nito sa ipinasang batas ukol sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan kanilang kinilala kung ano ang pagkakaiba ng sectoral mula sa party representatives. – mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)