Nilinaw ng Malakaniyang na hindi lamang ang naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ang naging batayan ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa paglalatag nito ng rekumendasyon.
Ito’y kaugnay sa ginawang pagpapalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ng enhanced community quarantine sa ilang lugar sa bansa hanggang Mayo 15 ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, ikinunsidera rin ng IATF ang kakayahan ng health sector sa isang lugar na makapagbigay ng serbisyong medikal sa mga posibleng magkasakit o mahawaan pa lang ng nasabing virus.
Paliwanag pa ng kalihim, bagama’t mababa ang kaso ng COVID-19 sa isang lugar, kulang naman ang pasilidad at kagamitan ng mga ito tulad ng ICU beds at ventilators kaya’t dapat lang na palawigin pa ang ECQ doon.
Gayunman, sinabi ni Roque na kung matutugunan agad ang pagkukulang ng mga nasabing kagamitan sa isang lugar na nakapailalim sa ECQ, uubra na aniyang tanggalin o pagaangin dito ang quarantine status.